Anong Bago sa Sari-sari Store Mo?

 

Bagong taon na! May bago ba sa tindahan mo?

Kung wala pa, ‘wag mag-alala! Hindi pa naman huli ang lahat para sumubok ng bago para sa iyong tindahan. Pero, bakit ka nga ba susubok ng bago? Importante ba ito para sa iyong negosyo?

Kung isa sa mga layunin mo ay ang mas lumago pa ang iyong tindahan ngayong 2020, mahalaga ang pagsubok ng bago — mapa-paninda man iyan o gawain. Naalala mo ba noong panahon na pinaplano mo palang magpatakbo ng isang sari-sari store? Madidiskubre mo kaya na kakayanin mo palang magpatakbo ng isang negosyo kung hindi mo ito sinubukan? Katulad din ito sa pag-subok ng bago. Ito ay isang paraan para makapagbigay at makapagbukas ng iba’t ibang oportunidad sa iyo na matuklasan kung anu-ano pa ang kayang gawin o maabot ng iyong negosyo.

Narito ang tatlong bagay o gawain na pwedeng-pwede mong subukan ngayong bagong taon:

  1. Baguhin ang ayos ng iyong sari-sari store.
    Simulan natin ang bagong taon sa isang bagong ayos na sari-sari store! Hindi naman kailangan ng malaki o magarbong pag-aayos. Kahit simpleng pagbago lang ng mga pwesto ng iyong paninda ay makakapagbigay na ng bagong look sa iyong tindahan, na siguradong makakatulong din na makahikayat ng mas maraming mamimili. Ang gawain na ito ay tinatawag na Visual Merchandising, kung saan ay ipinepwesto natin ang mga paninda ayon sa pangangailangan ng ating mga mamimili — kung saan mas madali nilang makikita ang iyong mga paninda.

    Alamin na ang ibang tips sa ating libreng online training para sa mga sari-sari store owners!

  2. Magdagdag ng mga panibagong produkto at serbisyo sa iyong sari-sari store.

    Gawing mas sari-sari ang iyong tindahan sa pagdagdag ng mga bagong produkto at serbisyo! Pwede mong tingnan kung sinu-sino nga ba ang kadalasan na bumibili sa iyong tindahan at dito ibase kung ano ang mga pwede mong idagdag. Halimbawa, kung karamihan ay mga estudyante, maaari kang magdagdag ng mga school supplies o kaya naman mga meryenda.

    Maliban dito, pwede ring idagdag ang load at bills payment services, mga gadgets, appliances, at mga healthcare products. Ang galing, hindi ba? Dagdag kita na ito, dagdag serbisyo pa para sa iyong mga suki. Para sa iba’t ibang oportunidad na mapalawak ang iyong negosyo, i-download na ang BizMo App at mag-register!

  3. Sumali sa samahan ng mga sari-sari store owners.

    Baka ngayong 2020 na ang panahon para makasali sa isang grupo o samahan ng mga negosyante! Dito maaari kang matuto at ma-inspire sa kanilang mga karanasan sa kanilang pagtitindahan. Maaari mo rin malaman mula sa kapwa sari-sari store owners ang mga produkto at kasanayan na pwede mong subukan sa iyong negosyo.

    Isang halimbawa ng samahang ito ay ang Samahang Hapinoy, kung saan ang bawat sari-sari store owner ay libreng magkwento at magbahagi ng kanilang mga karanasan sa pagtitindahan. Bonus pa ang libreng Samahang Hapinoy Card para sa iba pang benepisyo. Kaya sali na!

Sa bagong taon na ito, mahalaga na maisip mo ang mga bagay na maaari mong subukan. Kung ikaw ay may pangamba, huwag mag-aalala dahil ang Hapinoy, ang katuwang ng mga sari-sari store owners, ay handang umalalay at sumuporta sa iyo.

Handa ka na ba sa mga bago ngayong 2020?


Para mas makilala ang Hapinoy, bisitahin ang i-like ang Hapinoy Facebook Page sa www.facebook.com/Hapinoy.