Pangarap, Negosyo, at Paglago

 

Para kanino o saan ka nga ba nagtitindahan?

Katulad ka rin ba ni Tita Juvy na patuloy na nagsisikap sa kanyang negosyo para sa pamilya? O kaya naman, pareho kayo ni Tita Ivy na nagsimula ng sari-sari store dahil gusto niyang maghatid ng mga produkto at serbisyo sa kanyang komunidad? Ano man ang iyong sagot, siguradong katulad nila ay hangarin mo rin na mas lumago pa sa pagtitindahan para maipagpatuloy ang mga #goals mo sa negosyo. Tama ba?

Pangarap at Negosyo
Ang malalayong tindahan ang isa sa mga unang napansin ni Tita Ivy noong lumipat ang kanyang pamilya sa Tiaong, Quezon noong 2013. Malayo at mahirap bago makarating sa isang sari-sari store para lamang makabili ng kanilang pangangailangan.

Para kay Tita Ivy na pitong taon nang nagtitindahan, napakalaki ng papel ng kanyang tindahan sa pagbibigay ng suportang pinansyal sa kanyang pamilya. (Litrato mula kay Ivy Alo)

Para kay Tita Ivy na pitong taon nang nagtitindahan, napakalaki ng papel ng kanyang tindahan sa pagbibigay ng suportang pinansyal sa kanyang pamilya. (Litrato mula kay Ivy Alo)

Kaya naman, sa halagang 7, 000 pesos, namuhunan si Tita Ivy at nagtayo ng isang sari-sari store. Maliban sa mga pangunahing pangangailangan, 
nagdagdag na rin siya ngayon ng mga frozen foods at school supplies sa kanyang mga paninda. Isa raw ito sa kanyang mga paraan para makapagbigay ng iba pang pamimilian ang kanyang mga suki, dahil napansin din niya na halos puro gulay ang niluluto sa kanilang lugar. Para kay Tita Ivy, ang pangangailangan ng kanyang komunidad ang kanyang prayoridad sa pagtitindahan dahil ang pagpapalago ng tindahan ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng dobleng imbentaryo para sa dobleng kita, pero ito rin ay ang pagdagdag ng serbisyo at produkto para sa kanyang komunidad. “‘Yong iniisip ko ‘yong mga nakapaligid sa akin, kung ako makakapagbigay sa kanila ng ganoong serbisyo, ‘di ga’y parang ang sarap ng pakiramdam na rin ‘yon, na may tiwala na ‘yong mga nakapaligid,” ani ni Tita Ivy. 

Para naman kay Tita Juvy, isang sari-sari store owner mula sa Leyte, ang pagtataguyod ng mga pangangailangan ng kanyang mga anak, lalo na para sa kanilang pag-aaral, ang kanyang motibasyon noong nagsimula siyang magtindahan. Sa limang taon niyang pagtitindahan, nakakatulong ito para sa kanilang mga pang-araw-araw na gastusin, lalo na’t kinakailangan niya ring manatili sa bahay para alagaan ang kanyang mga anak. Para sa kanya, ang pagtitindahan ay maihahalintulad sa isang obligasyon na hangga’t kaya pa niyang gampanan ay ipagpapatuloy niya para maibahagi rin ito sa kanyang mga anak sa darating na panahon. Kaya naman ang pangarap pa niya sa kanyang sari-sari store ay gawing mas  maayos ito at makapagdagdag pa ng ibang paninda. 

Para sa pamilya at komunidad ang mga motibasyon nila Tita Juvy at Tita Ivy para mas lumago pa ang kanilang mga tindahan. Pero paano nga ba nila pinapalago ang kanilang mga negosyo?

“Maayos ko lang siya, 'yong pwesto niya… lumago pa siya, magkaroon pa ako ng sideline, pangdagdag habang ‘di sayang ang oras,” kwento ni Tita Juvy sa kanyang pangarap para sa kanyang sari-sari store. (Litrato mula kay Juvy Lofranco)

“Maayos ko lang siya, 'yong pwesto niya… lumago pa siya, magkaroon pa ako ng sideline, pangdagdag habang ‘di sayang ang oras,” kwento ni Tita Juvy sa kanyang pangarap para sa kanyang sari-sari store. (Litrato mula kay Juvy Lofranco)

Sari-sari store, kumikita ka ba?
“Sari-sari store, Kumikita ka ba?” — ito ang tanong na nagtulak kay Tita Ivy na tingnan kung kumikita nga ba ang kanyang tindahan. “Doon pa lang sa una kong nabasa na ano, parang na-amaze na nga akong parang tinatanong sa akin bakit hindi lumalago ‘yong tindahan. Sabi ko  oo nga, talagang malaki nga naman ang,  malaki nga talaga... napaisip ako oo nga, totoo nga iyon,” kwento ni Tita Ivy.

Nabasa ni Tita Ivy ang tanong na ito sa libreng online training na hatid ng Hapinoy sa pakikipagtulungan sa Mastercard for Inclusive Growth. Gamit lang ang Facebook, maaari nang sumali ang mga sari-sari store owners sa mga usapin at mga aralin tungkol sa pagpapatakbo ng isang sari-sari store. “Nakaka-inspire, nagkakaroon ka kasi ng iba’t iba pang ideas, ‘di ga, parang ‘pag nakakabasa ka ng, nakakabasa ka pa ng hindi mo alam, parang ita-try mo talaga e, kasi nga ‘di mo rin mapapaniwalaan, sinasabi ko,  hangga’t di mo tina-try,” kwento ni Tita Ivy na naimbitahan ng kapwa negosyante niya na sumali sa Facebook Group na ito.     

Related: HapiSkwela Goes Online!

Dagdag ni Tita Ivy, ang palitan ng mga ideya sa loob ng Facebook Group ay nakatulong sa kaniya para matuto ng mga pamamaraan sa pagtitindahan na pwede niyang subukan para mas mapagbuti ang kanyang pagtitindahan at mapalago pa ang kanyang negosyo. “Subukan din nilang makipagsalamuha, para may mapupulot tayong kaunting kaalaman mula sa iba, para naman po, kung halimbawa nahihiya tayong magsalita sa ibang tao, doon pwede po nating ma-practice ‘yong sarili natin, kung meron tayong gustong sabihin pwede nating sabihin o mailabas,” kwento naman ni Tita Juvy na parte rin ng online training.   

Ang maayos na pakikitungo sa mga mamimili, ang pagpapaikot ng benta at paninda, at ang ilang gabay sa pagnenegosyo ang ilan sa mga natutunan niya sa mga usapan nila sa loob ng Facebook Group. Ang disiplinang pang-pinansyal ang isa pang sinubukan at ipinapagpatuloy ni Tita Juvy nang nakasali siya sa online training. 

At kumpara nga sa face-to-face na training, ayon kay Tita Juvy na naging parte na rin ng mga trainings noon, hindi na kinakailangang isara ang tindahan para matuto at magkaroon ng dagdag na kaalaman sa pagtitindahan. Kwento niya, nakakatulong na nakalatag o nakalista na ang mga aralin sa Facebook Group para mapag-isipan niyang mabuti ang mga ito.   

Katulad nina Tita Ivy at Tita Juvy, siguradong may mga hangarin ka rin na nais maabot para sa iyong pamilya, sa iyong sarili, at sa iyong tindahan. Dahil sa likod ng bawat negosyo, may pangarap na siyang patuloy na nagiging motibasyon para ipagpatuloy ito. Pero ang tanong, nais mo ba na mas lumago pa ang  iyong negosyo? Kung oo, ano ang ginagawa mong hakbang para mangyari ito?  

Gusto mo bang palaguin din ang iyong sari-sari store katulad nina Tita Ivy at Tita Juvy? Gusto mo rin bang makasama ang iba pang negosyante para matuto ng iba’t ibang pamamaraan para mas mapabuti pa ang iyong  pagtitindahan? Enroll na sa libreng online training ng Hapinoy para sa mga sari-sari store owners! I-click lang ang link na ito https://bit.ly/34fhehQ para makasali. Para sa iba pang impormasyon, bisitahin lang ang Hapinoy Facebook Page sa  www.facebook.com/Hapinoy.