Kay Suki, Tayo ay Wagi!

 
Hapinoy_KaySukiTayoangWagi.jpg

“Pabili po!”  

Hindi ba't nagmamadali kang asikasuhin sila kapag narinig mo ito? Para sa mga negosyante, ang mga mamimili o suki ay napakahalaga sa negosyo. Dahil sa bawat produkto o serbisyo na binibili nila, may benta at kita na papasok sa tindahan. Kaya naman, ang pagkilala sa mga mamimili ay maituturing na isa sa mga susi para sa patuloy na paglago ng iyong tindahan. Pero, paano nga ba gawin ito?

Narito ang limang tips para mas makilala mo pa ang iyong mga suki: 

  1. Tukuyin ang klase o grupo ng iyong mga mamimili.  
    Karamihan ba ng iyong mga suki ay mga estudyante, o nagtatrabaho na? Mas marami ba ang mga kabataan? Ang pagtukoy kung sinu-sino ang iyong mga mamimili ay makakatulong para mas maging pamilyar sa kanilang mga katangian at mga produkto na kanilang inaasahang mabili sa iyong tindahan.

  2. Alamin ang mga kailangan at gusto ng iyong mga suki.  
    Bilang ang iyong tindahan ang pinakamadaling puntahan na bilihan sa iyong komunidad, mahalaga na matukoy ang mga produkto at serbisyo na kailangan at gusto ng iyong mga suking mamimili. Ang mga produkto ba sa iyong tindahan ay ang mga karaniwang pangangailangan ng iyong mga suki? Kung malapit ka sa eskwelahan, bebenta ba ang mga ice candy at softdrinks sa iyong tindahan? Ito ang ilan sa mga pwedeng pag-isipan para malaman ang mga pangangailangan at kagustuhan ng iyong mga suki.

  3. Kausapin ang iyong mga suki. 
    Isa sa mga mainam na pamamaraan para mas makilala ang iyong mga mamimili ay ang pakikipag-usap sa kanila. Anu-ano ang mga hinahanap nila sa iyong tindahan? May hindi ba kanais-nais sa iyong tindahan? Ang pagbibigay ng mga tamang tanong sa iyong mga suki ay makakatulong para mas maintindihan kung ano ang kanilang mga nararanasan para malaman din ang klase ng serbisyo na maaari mong ihatid sa tulong ng iyong tindahan.

 
 
Hapinoy_KaySukiTayoayWagi_2.JPG

4.Sumali sa mga trainings o seminars tungkol sa pagtitindahan.  
Maliban sa pagtatanong sa iyong mga suki, may mga karagdagan pang kaalaman at pamamaraan na maaaring matutunan para mas makilala sila. Sa panahon ngayon na karamihan ay may internet connection at smartphone na, mas marami ng oportunidad kagaya ng mga libreng online trainings kung saan maaari nang mas matuto tungkol sa pagtitindahan ano mang oras o kahit hindi na umalis ng iyong bahay.

Related: HapiSkwela Goes Online! 

5.Kumilala ng mga kapwa sari-sari store owners.   
Sabi nga sa isang kasabihan, natututo tayo sa sarili nating karanasan. Katulad ng iyong mga kapwa negosyante, maaaring naranasan na nila ang mga nararanasan mo ngayon sa iyong tindahan. Maliban sa pagkilala ng iyong mga suki, mainam din na makakilala ng mga kapwa negosyante dahil isa itong oportunidad na matuto mula sa kanilang mga karanasan at pamamaraan sa pagtitindahan.

Related: My BFF: The Business Cell Concept of Hapinoy 

Sa pagpapatuloy ng iyong negosyo, ikaw at ang iyong mga suki ay wagi kung patuloy din ang pagpapahalaga at pagpapanatili ng relasyon niyo sa isa’t isa. Dahil maliban sa kita na ipinapasok ng mga pinamili ng iyong mga suki, ang pagkilala sa kanila ay isang oportunidad para makapaghatid ng mas magandang serbisyo sa iyong komunidad sa pamamagitan ng iyong tindahan.

-- 

Gusto mo bang matuto pa tungkol sa pagtitindahan? Sali na sa libreng online training ng Hapinoy! I-click lang ang link na ito m.me/HapiSkwela para makasali.

Para sa iba pang impormasyon, bisitahin at i-like lang ang HapiSkwela Facebook Page sa www.facebook.com/HapiSkwela.